Nang Mangalabit si Nene...

Sex. Bilang isang alipin ng radyo, madalang kong marinig ang salitang ito sa mga balita. Rape, oo pero sex, madalang. Kahit ang mga balitang tunkol sa prostitusyon o sex dens o live show, kadalasang hindi ginagamit ang salitang ito sa pagbabalita. Mangilan-ngilan lamang ang programang may tapang na pag-usapan ang mga bagay tungkol dito. Isa na rito ang programang Love Chat ng DZRH. Dito, deretchan ang usapan pero may censorship. Dahil kasama sa mga panuntunan ng Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP), ang mga salitang hindi na kaaya-aya sa pandinig ay pinapalitan ng mga teknikal o siyentipikong termino. Ayon nga sa kanilang tagline...

May mga tanong na hindi pwedeng itanong kung kani-kanino lang...
May mga tanong na hindi pwedeng pag-usapan ng ganun-ganun lang...
May mga tanong na hindi basta-bastang binibigyan lang ng payo...
Ngayon pwede na... pwede lahat...

Tama. Hindi pwedeng basta-basta lamang pinag-uusapan ang sex lalo na sa himpapawid. Bakit? Ang sagot: Moralidad. Baka may batang nakikinig. Bata.

Kung gaano kadalang pag-usapan sa radyo ang sex, gayun din sa bahay maging sa paaralan. Para sa isang magulang, isa sa mga panakakinatatakutang oras niya ang pagtatanong ng kanyang anak kung saan siya nagmula.

Mommy... saan ako galeng?
Mommy? Paano ninyo ako ginawa ng Daddy?


Kapag narinig na ng mga magulang ang mga tanong na ito ay tila binuhusan sila ng malamig na tubig sa kanilang likuran. Hindi nila malaman kung paano ipaliliwanag sa kanilang anak ang komplikadong kwento ng pakikipagtalik at ng pagbubuntis. Kaya madalas ay binibigyan ang mga bata ng mga generic at safe na sagot tulad ng...

Anak, galing ka kay God
Dala ka ng stork.. yung bird sa cartoons
Dito sa tiyan ni mommy

Pagdating ng isang bata sa Grade 4 o 5, dito niya unang naririnig ang salitang Reproductive Health sa pamamagitan ng kanilang Biology class. Buong ingat na itinuturo ng mga guro ang mga aspeto ng reproductive system. Mula pagbanggit ng mga terminong vagina o penis, maging menstruation , animo'y nagdidisarma ng bomba ang mga sir at ma'am sa pagtuturo nito. Napaka-ingat. Kasi raw, bata.

Aminin man natin o hindi, sa ating panahong alam na ng isang limang taong gulang na bata ang tungkol sa internet, ay hindi nakagugulat na alam na niya ang tungkol sa sex. Paano? Ito ay sa pamamagitan ng Porn o pornograpiya. Sa pamamagitan ng pagtype ng 'sex' sa search bar ng Google, tapos na ang maliligayang araw ng kainosentehan ng isang bata. Samahan mo pa ng YouTube o kung anumang site na maaaring puntahan ng isang bata, unti-unti niyang nakikita, naririnig at nababasa ang mga bagay na sadyang ginawa para sa mga matatandang lubos na nauunawaan ang mga bagay na ito. At madalas, ang mga bagay na natututuhan nila rito ay mali at hindi angkop sa kanilang edad. Sa ilang nalulong na sa pornograpiya, ito ay nagtutulak sa kanila upang maging promiscuous o pakawala. At ang iba ay humahantong pa sa panggagahasa.

Ang sagot: sex education.

Sa pamamagitan ng House Bill 5043 o mas kilala bilang Reproductive Health Care (RHC) Bill, binibigyan ng kapangyarihan ang DOH kasama ang DepEd, DSWD, Population Commission o POPCOM at ang DILG na gumawa ng mga hakbang upang ipaalam sa mga mamamayan ang tungkol sa family planning at ang iba't-ibang aspeto ng sekswalidad ng isang tao. Kabilang sa mga layunin ng batas ay ang pagpapatupad ng sex education sa mga mag-aaral mula Grade 5 hanggang 4th Year High School.

Ang pangunahing magiging sentro ng pag-aaral ng sex education ay patungkol sa responsible parenthood, natural and modern family planning, proscription at hazards ng abortion, reproductive health and sexual rights, abstinence before marriage, at responsible sexuality.

Ngunit ang sagot na ito ay mariing tinututulan ng Simbahan.

Mariing tinututulan ng Simbahang Katoliko ang kahit anong hakbang na itinutilak ng panukalang batas na ito. Ayon kay Fr. Melvin Castro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, labag sa utos ng Diyos ang paggamit ng artipisyal na family planning method at tanging ang natural method lamang ang katanggap-tanggap. Bukod dito, pinipiglan ng ganitong panukala ang natural na pagbuo ng buhay o ang procreation. At higit sa lahat, ang panukalang batas na ito ay maaring magbigay-daan sa legalidad ng abortion.

Ang mga puntong ito ay ayon sa Humanae Vitae, isang encyclical letter na isinulat ng yumaong Pope Paul VI noong Hulyo 25, 1968. Ito ang ipinagdiwang mga mga Pro-Life advocates na dumalo sa prayer rally sa University of Sto. Tomas noong Hulyo 25.

Para naman sa mga katulad nina Dra. Sylvia Estrada Castro ng U.P. Center for Women Studies at Dr. Felipe Medalla, dating Director General ng National Economic Development Authority (NEDA), makasasama sa mga Pilipino ang pagpigil sa pagpasa ng panukalang batas na ito at ang ginagawang panghaharang rito ay pakikiaalam sa mga gawaing pampamahalaan.

Sa kasalukuyan, nasa Ikalawang Pagbasa na sa Kamara ang naturang batas matapos itong pumasa sa Committee Level Hearing noong Setyembre.


Sa usapin ng sex education, dalawang tanong ang lumalabas.

  1. Handa na ba ang mga Pilipino at ang Pilipinas sa sex education?
  2. Dapat bang malaman ng isang bata ang tungkol sa sex mula sa kanilang mga guro?

Bagamat maraming datos at malalalim na punto ang bawat panig sa usaping ito, isa ang nananatiling totoo. Kailangan nang tanggapin ng mga Pilipino, Katoliko man, o hindi na dapat niyang lubos na maunawaan ang kanyang sekswalidad. Para sa iba, kaipokritohan ang hindi pagtanggap na normal ang sex . At ang isa pang pilit na tinatalikuran ng iba ay alam na ng lahat ang sex at ang lahat ng bagay na kaakibat nito; ultimo bata.

Kung ang labanan ay agaw-base, talo na ang konserbatibo dahil naagaw na ang lahat ng ng kanyang kakampi ng kabilang grupo, ang sexually open.

Hindi na tanong kung handa na ba ang mga Pilipino sa sex education. Ang sagot at DAPAT nang maghanda ang mga Pilipino sa sex education. May RHC Bill man o wala, kailangan nang matuto ng mga Pilipino ng tungkol sa reproductive health. Wala ng atrasan ito. Dapat na natin itong tanggapin bilang parte ng buhay at ng pag-aaral. Dahil kung hindi, baka mauwi pa ito sa pagkakaroon ng HIV o AIDS o komplikasyon sa panganganak o humantong sa kamatayan ng isang walang muwang na bata.

Tulad ng nabanggit ko, alam na rin ng mga bata ang tungkol dito. Ang dapat ng gawin ay ituwid ang mga maling paniniwala o kaalamanan ng mga bata tungkol sa sex at gabayan sila upang maging sexually responsible.

Ang susunod na tanong ay kung sino ang dapat na magturo nito sa mga bata. Ang totoo, hindi sa kanila unang natututo ang isang bata ng tungkol sa sex kundi sa pamamagitan ng media at ng kanilang mga nakasasalamuha sa labas ng bahay: ang kanilang mga kaibigan at kaeskwela. Matapos ang kanilang kwentuhan, magaganap ang kwentong aking nabanggit sa simula tungkol sa pagtatanong ng isang bata sa kanyang magulang ukol sa sex upang masigurado ng bata kung totoo man ang kaniyang narinig mula sa kanyang mga kamag-aral.

Sa posisyon ng isang magulang, edukado man o hindi, hirap sila kung paano ituro o ipaliwanag sa kanila ang sex. Hindi dahil sa hindi nila alam ang sasabihin kundi kung paano ito sasabihin. Kung iisipin, dapat ay ang mga magulang ang unang magbanggit sa kanila ng tungkol dito dahil wika nga nila, nagsisimula ang pag-aaral. Ngunit hindi ito tulad ng pagsusulat. Napakahalaga at kritikal ng mga unang impormasyon na makukuha ng bata ukol sa sex. Kung makukuha niya ito ng maaga, maaring hindi pa niya kayanin ang impormasyong ito. Kung masyadong huli na, mawawalan na ito ng saysay dahil maaaring buo na ang pundasyon ng pang-unawa niya sa sex.

Anu ang dapat kung gayon? Mas mabuting bantayan ang bata sa kanyang paglaki lalo na sa kanyang mga nakasasalamuha. Kung mabuti ang kanyang paglaki (hindi siya nakaranas ng pang-aabusong sekswal)maaring hayaan siyang malaman ito at kapag nagtanong na siya ay ipaliwanag sa kanya kung ano ang totoo. Maraming libro at mga sulatin na maaaring basahin ang isang magulang tungkol sa pagtuturo o pagpapaliwanag ng sex sa mga bata. Makakatulong ito upang magawang maipaliwanag ng maayos ng magulang ang tungkol dito.

Hindi ligtas ang akademya sa responsibilidad na ito. Dapat makagawa ang DepEd ng isang matibay at katanggap-tanggap na kurikulum ukol sa sex. Maaari itong isama sa PEHM (P.E., Health and Music) class at ituro ng mga gurong may lubos na kakayahan, karanasan at pang-unawa sa mga pangagailangan ng kanyang mga mag-aaral. Maari ring mag-imbita ng mga resource speakers na may matagal at matibay na kaalaman tungkol sa aspetong ito. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng edukadong pananaw ang mga mag-aaral ukol sa sex at magbibigay sa kanila ng sandata kapag naharap na sila sa oras ng pagdedesisyon.

Habang tumatagal ang pag-uusap at pagdedebate ukol sa kung dapat bang magkaroon ng sex education o hindi, kung dapat bang ipasa ng RHC Bill o hindi, mas lalong dumarami ang mga batang ama at ina at mga nagpapa-abort. Sa paglipas ng oras, dumarami rin ang nagkakasakit ng STD, HIV o AIDS dahil sa kawalan ng kaalaman. Tumatakbo ang oras. Sana hindi pa mahuli ang lahat.

This is my entry to the Blog Challenge 08: Teach me eroticism in school, Please" [backlink]

3 comments:

Anonymous said...

Thanks. Your entry is received. We'll keep you posted for updates. :-)

Anonymous said...

Hi. Your entry for TBAC 08 has been included in the list of finalists. Congrats.

We are now in the voting process.

pen said...

hi monitoryo!

nagustuhan ko itng entry mo. galeng! napaka informative
hindi ko alam kung on time pa din ako para sa pagboto, sana. isang boto ay galing sa akin.

-ako si pen palaboy