SEPT
25th

Ateneo Blue Eagles, bagong UAAP Champions!



Halos tumigil ang mundo sa pagsisimula ng Game 2 ng Finals ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at ang bawat galaw at puntos ng bawat kuponan ay sinasabayan ng sigaw at palakpak ng mga manunood. Bawat pito ng referi ay pinakikinggan at tinitignan kung tama ba o mali. Ang bawat hiway at sigaw ay may dahilan. Ang bawat luhang pumatak, nakunan ng lente ng kamera. Matapos ng apat na quarter at sa harap ng mahigit 22,000 manunood sa loob ng Araneta Coliseum at higit pa sa kani-kanilang mga tahanan, nanaig ang lakas at galing ng Ateneo Blue Eagles laban sa De La Salle Green Archers sa iskor na 62-51.

Ayon kay Coach Norman Black, naging instrumento ng kanilang tagumpay ang mahigpit na depensang kanilang ibinigay laban sa Archers. Ito ang kanilang pinagtuunan ng pansin at nagbunga ang pagod at dedikayon ng kuponan na nagdala sa kanila sa kampyonato.

Dinala ni team captain Chris Tui sa kanyang balikat ang Ateneo sa pagbigay niya ng 16 puntos, limang rebounds, tatlong assits at isang steal. Samantala, ang hinirang na season 71 Most Valuable Player (MVP) na si Rabeh Al-Hussaini ay nag-ambang ng pitong puntos. Si Severino “Nonoy” Baclao naman na tinawag na Most Valuable Player of the Finals ay nagbahagi ng walong puntos, 10 rebounds at limang blocks kahit na iniinda nito ang kanyang tuhod.

Sa gitna ng kasiyahan ng mga taga Katipunan, galit ang nararamdaman ni La Salle Green Archers coach Franz Pumaren dahil sa msasasamang tawag ng referi sa gitna ng laban. "This is the worst officiating in the Finals.", "It's like giving the title to them, you just robbed off the 25,000 people watching." wika ni Pumaren. "It’s just like a script. They might as well have given them the trophy (Ateneo)", dagdag pa nito.

Ito ay dahil sa pagtawag ng dalawang technical foul kina Rico Maierhofer at JV Casio. Pinakakontrobersyal ang pag 'dirty finger' umano ni Maierhofer na siyang nagbunsod upang mapaalis ang manlalaro mula sa laban. Na-fouled out naman si Casio noong huling quarter dahil sa charging foul laban kay Jai Reyes. Ito ang itinuturong dahilan kaya humina ang opensa ng Green Archers.

Humantong ito sa hindi paglabas ng Archers mula sa kanilang dug-out para kunin ang runner-up trophy sa awarding ceremony.

(Photos courtesy on Inboundpass and UBelt.com)



Una sa lahat, congratulations Ateneo.

Pangalawa, dismayado ako dahil gusto ko sana ng game 3 hindi dahil sa La Salle ako pero dahil mas kapana-panabik ang game 3 kapag nagkataon. Siyempre, mas maraming kita ang Araneta at mas mataas ang rating ng Studio 23. Pero hindi yun ang punto. Mas masaya siya dahil wala kaninuman ang momentum sa match. Even kumbaga. At kung nangyari yun, mas malakas ang tili, mas maraming tao at mas malaki ang naging balita.

Kung (at uulitin ko, kung) totoo man ang paratang ni Franz Pumaren sa mga masasamang tawag ng referi sa laro, dapat itong maimbestigahan. Maraming may camera at video footage ng makasaysayang laban at sa pamamagitan noon, puwedeng malaman kung masama ba talaga ang ilang tawag ng mga referi sa larong iyon.

Ang mga katulad ng ganitong eksena ang isa sa mga nakikita kong dahilan kung bakit sobrang pinananabikan ang paghaharap sa court ng dalawang unibersidad. Ang bawat paghaharap ay laging may bahid ng pagdududa o kontrobersiya. Kung hindi man, sabik lang sa bawi ang isa. Sa dami rin ng mga kilalang taong nagtapos sa mga unibersidad na ito, hindi maiwasang nakadaragdag sila sa popularidad ng mga pamantasang ito.

Hindi dito nagtatapos ang kuwentong Ateneo - La Salle. Hanggang buhay ang dalawang pamantasan ay mananatili ang "rivalry" sa pagitan nilang dalawa. At dahil dito, patuloy na pananabikan ang paghaharap ng Archers ang Eagles sa basketball court.

See you sa Season 72.

No comments: