SEPT
12th

Petrolyo, nagrollback ng P2!



Simula kaninang madaling araw ay nagrollback ang mga kumpanya ng langis ng dalawang piso kada litro ng kanilang mga produktong petrolyo dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Sunod-sunod na nagbaba ng presyo ang Pilipinas Shell, SeaOil, Petron, Chevron Philippines, Unioil at Eastern Petroleum sa kanilang mga produkto bandang alas dose ng madaling araw.

Ngunit mas mataas ang naging rollback ng Unioil sa kanilang gasolina at diesel nang magbaba sila ng tatlong piso sa kanilang kasalukuyang presyo.

Mula ng bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, halos P8.50 na ang ibinaba ng presyo ng gasolina habang P6.50 naman para sa diesel mula ng pumalo ang presyo nito sa halos P60 kada litro.

Kasunod nito, maraming commuters ang humiling na ibaba na rin ang pamasahe at ang iba pang produkto sa pamilihan.

Gayunpaman, dismayado pa rin si Senate Committee on Economic Affairs chair Loren Legarda na hindi makaaapekto ang ganito kaliit na rollback sa presyo ng mga bilihin. Bukod dito, sinabi rin niya na ang malakihang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo ang magiging dahilan upang bumaba rin ang presyo ng bilihin. Ngunit sa takbo at bagal ng pagrorollback ng mga kumpanya ng langis sa bansa, malabo pa itong mangyari.

Tirina niya rin ang kabagalan ng pagrorollback ng tinaguriung 'Big 3' sa industriya ng langis, ang Shell, Petron at Caltex, kumpara sa mga independent players na mabilis ang pagbaba ng presyo kapag bumaba na ito sa pandaigdigan pamilihan.

Ayon naman kay Robert Martin ng Pasang Masda, dapat ay magrollback ng hanggang pitong piso kada litro ang mga kumpanya ng langis dahil sa umabot na sa $95 kada bariles ang petrolyo.




Sa ngayon, ang tanging magagawa ng mga Pilipino ay maghintay at magtiis lalo na sa mga namamasahe. Para naman sa mga motorista, malaking tulong na rin ang dalawang pisong rollback. Kung iisipin, halos sampung piso rin ang matitipid ng isang drayber na nagpapakarga dahil sa nasabing rollback

Kung sa pagbaba naman ng presyo ng bilihin, tama si Senador Legrada, ang isang malaking rollback lang ang natatanging paraan upang bumaba ang presyo ng bilihin maging ng pamasahe.

Para naman sa mga kumpanya ng langis, maaaring hindi gumana ang pinanawagan ng ilang miletanteng grupo ang pagboycott sa mga mga kumpanyang ito sa pamamagitan ng hindi pagbili ng kanilang mga produkto. Gayunpaman, ito sana'y magsilbing babala sa mga kumpanya na matamang nagmamatyag ang mga Pilipino sa bawat galaw nila.

SEPT
10th

Ina, Nanlason at Naglason Dahil sa Kahirapan



Sadyang winakasan ng isang ina at dinamay ang kanyang tatlong anak ang kanilang buhay dahil sa kahirapan noong Martes ng madaling araw sa Magdalena, Laguna.

Ayon sa mga pulis, sapilitang pinainom ng ina ang kanyang mga anak ng toilet bowl disinfectant na naging sanhi ng kanilang pagkamatay. Matapos nito ay ininom din nito ang nasabing likido upang tapusin ang kanyang buhay. Sinubukan pang isugod ng kapatid ng suspek sa pagamutan ang mga biktima ngunit binawian na ang buhay ang mga bata habang ang ina naman ay hindi na naisalba.

Ang asawa naman ng biktima ay nagtatrabaho sa Maynila at lingguhan lamang kung umuwi. Ayon sa kanya, wala namang naikukwento ang asawa tungkol sa hirap ng buhay o anumang problemang maaaring nagtulak sa maybahay na wakasan ang kanyang buhay at idamay ang kanilang mga anak.

Agad namang nangako ng tulong pinansyal si Gov. Teresita 'Ningning' Lazaro sa pamamagitan ng pagpapalibing sa mga nasawi. Pinaiimbistigahan na rin ni Lazaro ang nasabing pagpapakamatay dahil hindi siya naniniwala na kahirapan ang dahilan kung bakit nagawang patayin ng ina ang kanyang mga anak at magpatiwakal pagkatapos.

Hindi ito ang unang beses na may nagpakamatay dahil sa kahirapan. Nobyembre ng nakaraang taon nang magbigti ang isang labing-isang taong gulang na batang babae dahil sa nararanasan nilang kahirapan. Ang tanging hiling ng bata ay bagong sapatos, bag, biskleta at isang maayos na trabaho para sa kanyang mga magulang.

Ang magulang ng bata ay walang maayos na trabaho. Halos isang buwan nang walang trabaho ang ama ng bata habang ang ina naman nito ay namamasukan sa pagwaaan ng pansit.

Matapos mamatay ang bata ay nagdagsaaan ang tulong sa pamilyang ito. Maging ang 'Wish Ko Lang' ng GMA-7 ay nagpaabot ng tulong matapos malamang sinubukang sumulat ng bata sa nasabing programa ngunit walang pera para maipadal ang nasabing sulat.


Nakalulungkot isipin na dahil sa kahirapan ay marami sa ating mga kababayan ang pinipiling wakasan ang kanilang buhay upang matakasan sa miserableng buhay na dala ng kahirapan.

Matatandaang buong yabang na ipinagmamalaki ng pamahalaang Arroyo na maraming maralitang tagalungsod na ang nakatikim ng 'katas ng VAT' at ng paglago ng ekonomiya. Ngunit para sa mga di mapalad na naaambunan ng nasabing tulong, ang pagtatapos ng kanilang buhay ang nakikita nilang paraan upang matakasan ito. Kung hindi man, nariyang kakapit sa patalim at gagawa ng krimen tulad ng pagnanakaw.

Hanggat hindi nakahahanap ng konkretong solusyon ang pamahalaan sa kahirapan, maging ito man ay sa pamamagitan ng pagkontrol ng populasyon, pagpapalago ng ekonomiya o pamumudmod ng pera sa mahihirap, nananatili ang katotohanang maraming maralita ang nanaising wasakan ang kanilang buhay upang di na maranasan ang hirap ng buhay.

SEPT
08th

Doktors, di na pwede mag-endorse ng gamot



Ayon sa bagong Code of Ethics ang Philippine Medical Association (PMA)sa pamumuno ni Dr. Rey Melchor Santos na bawal nang mag-endorso ng mga brand ng gamot ang mga doktor sa pamamagitan ng kahit anong uri ng media.

Base sa bagong Code of Ethics, hindi pwedeng magbigay ng kahit anong paraan ng pag-eendorso ang isang doktor ng kahit anong gamot. Hindi dapat marinig mula mismo sa bibig ng isang doktor ang isang brand ng gamot (i.e., Biogesic). Ang tanging pwede nilang gawin ay magbigay ng generic brand ng gamot (i.e., Paracetamol). Hindi rin sila pwedeng mag-endorso partikular sa pamamagitan ng patalastas ay ipinagbabawal na. Bukod dito, kung mayroon man silang gamot na hawak o siya ay tinutulungan ng isang pharmaceutical company, maaari ito ngunit hindi nila pwedeng banggitin ang kumpanya o gamot na binebenta ng kumpanya.

Tahasan ring sinabi ni Santos na ang hakbang na ito ay hindi paglaban sa mga nag-eendorso o gumagawa ng mga herbal supplements.

Ayon sa panayam ng dzMM kay Dr. Santos, iniiwasan lamang nila ang commercialization ng panggagamot at ng mga medisina. Ayaw nilang mapahamak ang kalusugan ng mga mamamayan dahil sa pag-eendorso o di-tahasang pagsusuri ng isang doktor sa isang may sakit. Iba ang kaso ng preskripsyon. Maaring gawin ito ngunit tahasang ipinagbabawal ang pag-eendorso.

Pagdating sa mga doktor na lumalabas ang isang doktor sa mga palabas, sa radyo man o sa telebisyon, hindi na nila maaaring banggitin ang mga mga brand names ng gamot at tanging generic names lamang ang maaaring sabihin.

Ayon naman kay Dr. Rainier Villanueva, pangulo ng Chamber of Herbal Industries of the Philippines Inc., nababahala sila na maaring humantong ito sa pagbabawal ng pag-eendorso ng mga gamot mismo.

Naiipit rin ang mga doktor sa mga nagmamay-ari ng mga pharmaceutical companies dahil sa ginagawang pag-sponsor ng mga kumpanyang ito sa mga medical mission at iba pang proyekto.

Nais rin ni Villanueva na makonsulta ang mga stakeholders upang maging malinaw ang mga lalamanin ng Implementing Rules and Regulations ng nasabing Code of Ethics.

Sa mga lalabag sa Code of Ethics ng PMA, miyembro man nila o hindi ay maaring mapagsabihan o matanggalan ng lisensya bilang doktor.


Kung Ethics o pagkilos ng isang manggagamot ang pag-uusapan, may punto si Dr. Santos at ang Philippine Medical Association. Tama nga naman na hindi dapat kumiling ang isang doktor sa isang gamot lamang dahil ito ay kanyang ineendorso. Mayroon pang ibang gamot sa merkado, na maaring mas mura pa ang puwedeng ibigay ng doktor sa kanyang pasyente. Ang pag-eendorso ay di-tahasang nagbibigay ng maling pagtingin na ang nasabing gamot ay mas mabisa kaysa sa iba.

Sa punto naman ng mga Food Supplements na nabubuhay ay nakikilala sa pamamagitan ng patalastas, malaking dagok ito sapagkat hindi na nila maaari pang gawin ito. Ngayon, kailangan nilang umasa sa mga kilalang tao, tulad ng mga artista upang gawin ito para sa kanila.