OCT
02nd

Apat pang Benguet miners, nailigtas mula sa minahan!



Sa kasalukuyan, nasa siyam nang minero ang nailigtas habang dalawa naman ang patay nang ma-trap ang mga ito sa isang minahan sa Itogon, Benguet.

Kinilala ang mga nailigtas na sina Gary Gano, Robert Mabuei, Ngitit Pagulayan, Jose Panio Jr., Jayson Himmayod, Gerry Munyobda, Gilbert Nattem, Mario Anayasan at Rudy Buling Jr. habang apat naman ang nasawi kabilang dito sina Juan Himmayod, 35 at Rudy Himmayod, 37 na nakuha ng mga bankay kahapon ng alas-singko at ala-sais ng gabi.

Ang mga nakaligtas ay dinala sa Baguio General Hospital and Medical Center upang malapatan ng karampatang lunas.

Gabi ng Setyembre 22 nang pumunta ang 16 na minero upang magmina ng ginto habang sinasalanta ng Bagyong Nina ang rehiyon ng Benguet. Hindi nila namalayan na pinasok na ng baha ang mga tunnel na naging sanhi ng kanilang pagkakakulong.

Ayon kay Von Laurel Cypress ng Philippine National Red Cross Response Unit, himala na may nakukuha pa silang buhay na tao sa minahan makalipas ng halos siyam na araw nang nakakulong sa minahan ang mga minero. Kaunting pagkain at tubig lamang ang dala ng mga minero nang bumaba sila sa minahan ngunit nagawa nilang makatagal at mabuhay sa ganoong klaseng sitwasyon.

Sa salaysay ni Ngitit Pagulayan, inaaliw na lamang niya at ng kasamang si Jose Panio Jr. sa pamamgitan ng pagnguya ng nganga o 'momma' at pagbibiruan. Ginawa nila ito upang maging alerto ang kanilang isip at malimutan ang gutom na kanilang dinaranas.

Patuloy pa rin ang search and retrieval operations sa minahan ngunit naaantala ito ng Bagyong Pablo.

Nagbigay naman ng P10,000 ang provincial government habang P5,000 naman ang ilalaan ng Itogon government sa mga pamilya ng mga minero. Nangako rin ang Benguet Corp. na magbibigay sila ng P3,000, at Benguet Federation of Small-Scale Miners ng P2,000 para sa mga minero.



Kabilib-bilib ang determinasyon ng mga minerong ito at nagawa nilang mabuhay sa loob ng ilang araw bagamat kaunti lamang ang pagkain, tubig at hangin nila sa ilalim.

Ngunit dapat maimbestigahan ang mga polisiyang pinatutupad ng pamahalaang lokal ukol sa pagmimina sa lupain ng Benguet. Dapat malaman kung may kaukulang permiso ba ito at kung bakit hinayaang bumaba sa minahan ang mga minero na naging sanhi ng kanilang pagkakakulong.

Hindi rin lingid sa kaalamanan ng lahat ang masamang epekto ng pagmimina sa kalikasan. Dapat ring masiguro ng DENR na nasusunod ang lahat ng panuntunan ng kagawaran at nasisiguro ang kaligatasan ng mga minero.

No comments: