OCT
02nd

Sen. Mar Roxas: Tax Exemption Law, iimplementa ng tama!



Iginiit ni Senador Manuel 'Mar' Roxas III na dapat iimplementa ng tama ang Republic Act No. 9504 o General Appropriations Act na mas kilala bilang Tax Exemption Law.

Sa panayam ng DZMM kay Roxas, sinabi niya na dapat ay 'retroactive' ang pagpapatupad ng batas. Ibig sabihin nito ay mula Enero hanggang Hunyo ng 2008, ang mga buwis na kinaltas sa mga minimum wage earners ay dapat bumalik sa kanila. Dagdag pa nito, dapat ay tuloy-tuloy ring ang pagpapatupad ng batas at hindi tuwing kalahati lamang ng taon.

Kasama ng Trade Union Congress of the Philippines, nais ng Senado na dumulog sa Korte Suprema upang linawin at tignan ang constitutionality ng Implementing Rules and Regulation (IRR) na ginawa ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon sa Implementing Rules and Regulations na binalangkas ng BIR, epektibo lamang ang batas tuwing kalahati ng taon. Mula Hulyo hanggang Disyembre ay walang kakaltasing tax sa mga minimum wage earners ngunit pagdating ng Enero hanggang Hunyo ay mayroong tax o buwis na kakaltasin ang BIR sa sweldo o sahod ng isang minimum wage earner.

Bukod dito, ang mga trabahador na may iba pang benepisyong tinatanggap tulad ng food at clothing allowance ay hindi na kasali sa exemption bagamat sila ay tumatanggap ng minimum wage na pumapatak sa P382 kada araw.

Ngunit kinababahala ni Alliance of Progressive Labor Secretary-General Josua Mata, nag-aalangan silang dumulog sa Korte Suprema dahil maaaring maglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte kapag dininig na nila ang reklamong ito. "Lalong hindi makakalaban ang mga tao," ani ni Mata.

Handa naman si BIR Commissioner Lilian B. Hefti na dalhin sa korte ang nasabing IRR ng batas. "Hindi namin hawak kung gusto nila pumunta sa korte. The law is silent [on the application]. We just applied the general rule that tax laws are prospective in character unless it was very clear that it was retroactive." wika ni Hefti sa panayam ng Business World.



Minsan ko ng naranasang tumanggap ng minimum wage bilang aking sahod. Aaminin ko sa inyo, kahit wala kang asawa (single) hindi ka tatagal sa ganoon kaliit na sweldo. Makakakain ka ng maayos pero hindi magiging madali lalo na kung may binabayaran kang mga utang o mga bayarin tulad ng kuryente, tubig at renta. Lagi kang sagad, minsan pa nga kulang kapag maaga ang cut-off.

Tama si Senador Roxas na dapat ayusin ng BIR ang kanilang IRR at ipaliwanag kung saang batas nila nakuha ang mosyong hindi na kasama sa exemption ang isang empleyado kapag tumanggap siya ng ibang benepisyo.

Sa ngayon, ang tanging magagawa ng mga minimum wage earners ay magtiis at manalangin na sana'y hindi maging tuyo ang Pasko at Bagong Taon ng kanilang pamilya.

No comments: