SEPT
23rd
White Rabbit candy, damay na sa Melamine Scandal (UPDATE 2)

Maging ang popular na White Rabbit creamy candy ay nadamay na sa mga produktong may halong gatas na pinasusuri upang matukoy kung mayroon itong nakalalasong kemikal na Melamine.
Ayon sa pagsusuri ng Agri—Food and Veterinary Authority (AVA) ng bansang Singapore, naglalaman rin ng Melamine ang popular na kendi at inabisuhang huwag ng kainin pa ng sinuman ang White Rabbit. Maliban rito, positibo rin sa melamine ang Yili Brand Choice Dairy Fruit Bar Yogurt Flavoured Ice Confection" at "Dutch Lady" isang uri ng strawberry flavored milk.
Matatandaang pinasusuri ang lahat ng gatas at mga produktong may sangkap na gatas na galing Tsina dahil sa pagkakasakit ng mga batang Tsino na umiinom ng kanilang lokal na gatas na napag-alamang naglalaman ng nasabing nakalalasong kemikal.
Sa huling tala, Apat na sanggol na ang namatay dahil sa mga kumplikasyon sa bato habang nasa isang labintatlong libong bata ang nakitaan ng sakit sa bato.
Una nang napag-alamang may sangkap na melamine ang mga gatas pambata nang matagpuan ito sa mga produkto ng kumpanyang Sanlu Group Co. Ayon sa Bloomberg.com,ang nasabing kumpanya any pagmamay-ari rin ng kilalang kumpanya ng gatas na Fonterra Cooperative Group Ltd.,ng bansang New Zealand na nanguna sa pagpaparecall ng mga produktong nagtataglay ng melamine.
Sa Pilipinas naman, pinasusuri na ng Bureau of Food and Drugs (BFAD)ang lahat ng gatas at mga produktong may gatas sa merkado upang malaman kung ang mga ito ba ay nagtataglay ng nakalalasong kemikal. Sa kasalukuyan, nalamang may 15 gatas mula sa Tsina ang binebenta sa merkado. Pinayuhan rin ni Department of Trade and Industry Undersecretary Zenaida Maglaya na huwag munang bibili ng mga gatas na walang etiketa o brand dahil maaring galing ito mula sa Tsina. Kung may pangalan man, dapat siguraduhin hindi ito nakasulat sa wikang Instik o may ladga ng People's Republic of China. Dahil dito, apektado na ang bentahan ng repacked na gatas sa Divisoria at iba pang pamilihan dahil sa takot ng mga mamimili na baka galing Tsina ang mga repacked na gatas.
Siniguro naman ng Nestle Philippines, ang manufacturer ng Nido, Bear Brand, Neslac, Nestogen, at Nesvita na ligtas ang kanilang mga produkto at walang sangkap na melamine. Ito ay matapos malamang may melamine sa isang Nestle Dairy Farm pure milk sample galing northeastern China. Nilinaw ng Nestle na galing sa Australia, New Zealand, Europe, at Estados Unidos ang kanilang mga sangkap at hindi mula sa Tsina.
Seryosong usapan ang pagkakaroon ng mga ganitong klaseng kemikal sa mga pagkaing ibinebenta sa merkado lalo na yaong mga pagkaing ginawa para sa mga bata. Buhay ang nakataya sa 'pagkakamaling' ito ng mga nasabing kumpanya dahil maaring mapahamak ang kalusugan ng isang walang muwang na bata. Maging ang kanilang mga magulang ay nalalagay sa alanganin dahil nagtiwala sila sa produktong ito ngunit ang katotohanan ay nilininlang sila at silang mga magulang pa tuloy ang nagiging daan upang mapahamak ang kanilang mga minamahal.
Hindi na ito bago. Hulyo ng nakaaang taon nang lumutang ang balitang may formaline o formaldehyde ang mga pagkaing nagmula sa Tsina, kabilang na rito ang White Rabbit.
Malaking katungan kung bakit laging nasasangkot sa mga ganitong eskandalo ang Tsina. Wala bang sinusunod na patakaran o polisiya ang bansang ito pagdating sa paggawa ng pagkain? O sinasadya ito. Huwag naman sana dahil hindi lamang ang kanilang mga mamamayan ang maaring maapektuhan nito bagkus ang buong mundo. Sa bawat depektibong produktong lumalabas mula sa kanilang bansa ay nasasaalang-alang ang kaligtasan at kalusugan ng mga bansang tumatangkilik sa kanilang mga produkto.








No comments:
Post a Comment