SEPT
12th

Petrolyo, nagrollback ng P2!



Simula kaninang madaling araw ay nagrollback ang mga kumpanya ng langis ng dalawang piso kada litro ng kanilang mga produktong petrolyo dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Sunod-sunod na nagbaba ng presyo ang Pilipinas Shell, SeaOil, Petron, Chevron Philippines, Unioil at Eastern Petroleum sa kanilang mga produkto bandang alas dose ng madaling araw.

Ngunit mas mataas ang naging rollback ng Unioil sa kanilang gasolina at diesel nang magbaba sila ng tatlong piso sa kanilang kasalukuyang presyo.

Mula ng bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, halos P8.50 na ang ibinaba ng presyo ng gasolina habang P6.50 naman para sa diesel mula ng pumalo ang presyo nito sa halos P60 kada litro.

Kasunod nito, maraming commuters ang humiling na ibaba na rin ang pamasahe at ang iba pang produkto sa pamilihan.

Gayunpaman, dismayado pa rin si Senate Committee on Economic Affairs chair Loren Legarda na hindi makaaapekto ang ganito kaliit na rollback sa presyo ng mga bilihin. Bukod dito, sinabi rin niya na ang malakihang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo ang magiging dahilan upang bumaba rin ang presyo ng bilihin. Ngunit sa takbo at bagal ng pagrorollback ng mga kumpanya ng langis sa bansa, malabo pa itong mangyari.

Tirina niya rin ang kabagalan ng pagrorollback ng tinaguriung 'Big 3' sa industriya ng langis, ang Shell, Petron at Caltex, kumpara sa mga independent players na mabilis ang pagbaba ng presyo kapag bumaba na ito sa pandaigdigan pamilihan.

Ayon naman kay Robert Martin ng Pasang Masda, dapat ay magrollback ng hanggang pitong piso kada litro ang mga kumpanya ng langis dahil sa umabot na sa $95 kada bariles ang petrolyo.




Sa ngayon, ang tanging magagawa ng mga Pilipino ay maghintay at magtiis lalo na sa mga namamasahe. Para naman sa mga motorista, malaking tulong na rin ang dalawang pisong rollback. Kung iisipin, halos sampung piso rin ang matitipid ng isang drayber na nagpapakarga dahil sa nasabing rollback

Kung sa pagbaba naman ng presyo ng bilihin, tama si Senador Legrada, ang isang malaking rollback lang ang natatanging paraan upang bumaba ang presyo ng bilihin maging ng pamasahe.

Para naman sa mga kumpanya ng langis, maaaring hindi gumana ang pinanawagan ng ilang miletanteng grupo ang pagboycott sa mga mga kumpanyang ito sa pamamagitan ng hindi pagbili ng kanilang mga produkto. Gayunpaman, ito sana'y magsilbing babala sa mga kumpanya na matamang nagmamatyag ang mga Pilipino sa bawat galaw nila.

No comments: