AUG
26th
Among Ed Panlilio laban sa Recall Elections
Hinihingi ng Kapanalig at Kambilan ning Memalen Pampanga Inc. (Kambilan) sa pamumuo ni dating Provincial Board Member Engineer Rosve Henson na magsagawa ang Commission on Elections (COMELEC) ng recall election upang matanggal si Pampanga Governor 'Among' Eddie Panlilio sa kanyang pamumuno.
Ayon sa grupo, si Among Ed ay walang kakayahang pamunuan ang nasabing probinsya at ang lumalalang problema sa koleksyon sa quarry, isa sa malaking pinagkukunan ng pondo ng Pampanga. Base sa rekalamong isususmite nina Henson, tahasang nilabag ni Panilio ang ilang probisyon ng Civil Service Law; Anti-Graft and Corrupt Practices Act; Republic Act No. 6713, mas kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees; at Grave Misconduct in Office.
Naniniwala naman si Among Ed at ang mga sumusuporta rito na pulitika ang rason kung bakit lumabas ang isyung ito. Maaring masyado na niya nasasagasaan ang mga nakikinabang noon sa malaking kitang ipinapasok ng quarrying maging sa illegal na sugal na jueteng.
Si Henson ay kilalang sumusuporta kay dating gobernadora Lilian Pineda, asawa ng sinasabing jueteng lord na si Bong Pineda. Tahasang itinanggi ni Henson na may kinalaman si Pineda sa naturang hakbang.
Sa ngayon ay hindi pa sinusumite ng grupo ang nasabing petisyon. Kinakailangan nila ng pirma ng mahigit sampung porsyento ng mga botenta sa Pampanga upang masagawa ang recall elections.
Para sa kaalamanan ng lahat, si Among Eddie Panlilio ay dating pari na tumakbo nitong 2007 election. At aminado si Among na wala siyang masyadong alam sa pulitika at sa pamamahala ng pamahalaaan. Inamin niya ito noong Sabado sa Light Moments with Fr. Jerry Orbos, SVD. Si Fr. Orbos ay kaklase ni Panlilio noon sa seminaryo. Ngunit unti-unti niyang pinag-aaralan ang lahat ng kinakailangan niyang malaman sa pagpapatakbo ng Pampanga.
Para sa mga Kapampangan, si Among ang simbolo ng pagbabago sa pamamahala ng Pampanga. Dekada na ang binibilang ng pamamahala ng mag-amang Lapid (Mark at Senador Lito) maging ng mga Pineda ngunit wala umanong malinaw o malaking pagbabago sa pamumuhay nila. At nakita nila ang pag-asa kay Among Ed.
Sugal na maituturing ang ginawa ng mga Kapampangan ngunit kung titignan ang mga nagawa ni Among sa loob ng labingwalong buwan ng pamamahala, maraming pagbabago na ang kanilang naramdaman, partikular sa aspeto ng kalusugan at ang pagkawala unti-unti ng jueteng sa naturng probinsya. Nakilala ang Pampanga bilang sentro ng kurapsyon at ng jueteng sa bansa at ayon na rin sa mga mamamayan nito, nabago ito ni Among.
Sana'y pabayaan muna natin si Among Ed na gawin ang alam niyang tama, at sa kalauna'y makikita rin ang progresong minimithi ng mga Kapampangan. Kung tutuusin, ganito rin ang pinag-daanan ni Gov. Vilma Santo nang una siyang tumakbo bilang Mayor ng Lipa. At ngayon, isa ng maunlad na probinsya ng Lipa City.








No comments:
Post a Comment